Mga Bagong Likhang-tula ni Sensei Plazo

                 





            Sa Likod Ng Iyong Ngiti

Nandiyan ka na naman
Nasa harap ng iyong unan
Nakatulala...nag-iisa iniisip ay di malaman
Nauutal sa mga tanong ng bayan
Nawawalan ng buhay dahil sa mga kumakalaban

Nawa'y malaman naman ng nakararami
Na nanatiling masigla sa bawat umano'y saksi
Nananahan sa puso'y di man masabi
Nililibang na lang ang sarili
Nawa'y tumigil na ang mga makasarili

Sa kasalukuya'y nakangiti
Sa harap nakikita'y iyong ngiti
Sa likod pala'y may ibig masabi
Sana lang di na lumala ang pighati
Sana'y wala nang maaapi

Sanay nang mabuhay sa gusot
Sanay nang kumaway para makalusot
Hayaang mapagod mga taong nang-aapi
Huwag hayaang silay manatiling maging makasarili
Humayo ka't patuloy umangat

Alam naming sa likod ng iyong ngiti
May kakarampot na pighati
Pero kami'y laging narito't mananatili
Ipaglalaban ka hanggang sa huling sandali.

    -Sensei Plazo-



      Paso
      (Flower Pot)

Di mo alam na sa puso ko'y nakatala ka
Lagi mong tinatatakan buhay ko ng pag-asa
Di mo alam paano ako kung wala ka
Dahil lagi kang nandiyan handang magparaya
Para kang gabay sa aking buhay laging nakatoka.

Di mo alam na sa buhay kong mabulaklak
Ikaw ay naging paso at sa tulong mo ako'y namulaklak.
Mataba pa ang karanasan mo kaysa sa akin katoto
Ikaw ang pataba ng bulaklak mong sinusuyo.

Ang haba ng listahan mong binabalak
Ibig mong pangarap sa akin ibig nating sa buhay tumatak
At sa haba ng plinano mo ayaw mo ni isang dahon matagak
Ibig mong mamukadkad sa bawat tubig na pumapatak.

Kung alam mo lang kung paano mo ako hinulma
Kung alam mo lang na alam kong mahalaga ka
Di ka na mabubura at iyong mga alaala
Magkalayo man ang landas ika'y aking maaalala.

Sa buhay kayrami nating nagiging paso
Iba't ibang pagkatao nakikilala sa mundo
Walang sawang gumabay at maging guro
Matibay pa nga sila sa Paso.

      -Sensei Plazo-









          " Kailan "
   ni Bb. Apple Marie Plazo

Araw-araw ika'y aking hinihintay...
Hinihintay ko ang iyong pagdating Itay
Walang araw na hindi nanabik sa yapos mong tunay
Ibig kong maramdamang muli pag-ibig mong tunay.

Hinihintay ko ang iyong bawat pagbabalik
Kailan ba makakapiling buong araw akong nananabik
Kailan ka magpapaalam sa tuwing lilisan...
Kailan mo ako paghihintayin nang tuluyan...
Malaya na naman ang isipan kong kinakabahan...
Nasaan ka Itay?

Hanggang kailan ba tayo magkakalayo...
Kailan kita makakasama ng buong puso?
Bakit hindi na lamang tayo matuto...
Hindi kayamanan ang mahalaga sa puso
Mas mahalaga sa'min ang "Ikaw" Oo!
Mas mahalagang ika'y makadaupang-puso.

Kailan...
Kailan ka magbabalik...
Kailan ka magsasabing ika'y babalik...
Kailan kita makakasama't yayapusin ng halik
Magsabi Ka itay kung kailan dahil kahit kailan
 handa ako sa iyong pagbabalik.


❤❤❤❤❤❤❤


      ' Isalaysay Mo '
Ni Bb. Apple Marie Plazo

Paano gagaan ang dibdib
Kung puro pasakit iyong iniigib.
Paano gagaan ang isip
Kung puro pait ang pinapasilip.
Panay tago ng nadarama
Panay ngiti di naman dama.

Walang magawa...
May mga panahong nasosolo ang problema
Pinipiling mag-isa ...
May mga panahong naghahanap pa rin ng kaisa
Kahit ano pa ang naiisp o nasa
Isalaysay mo minsan ang drama.

Isalaysay mo kung taos sa puso.
Ibahagi mo upang gumaan iyong dibdib katoto.
Paano ka mauunawaan...paano malalaman ang totoo...
Kung pagdududa ay laging nangunguna sa puso.
Magsalaysay ka...Magsalaysay ka sa taong may puso
Hindi sa mga taong nakikinig lamang pero tenga'y sarado.

❤❤❤❤❤❤❤❤

        ' Pagsasakripisyo '
Ni Bb. Apple Marie Plazo

Walang pinipiling panahon...Walang pinipiling tao
Ganyan tayo magmahal...Ganyan tayo mamigay katoto
Lahat gagawin kahit wala nang matira ni piso
Lahat ibibigay walang pipiliing panahon yan ang totoo.

Walang di kayang lampasan
Kahit ikaw ang tinik handa akong masaktan
Lahat lalabanan kahit ka'y tinik ng daan
Lahat magaan kahit mabigat na sakit ng pagdadaanan
Lahat handang harapin kahit walang yaman.

Walang di kayang talikuran
Kahit ikaw handa kong ipaglaban
Lahat mahaharap masakit man pati kalamnan
Lahat makakaya pati kalahati ng puso maaaring mabitawan.
Wala kang magagawa...kabiyak na ito ng ating kasaysayan.

❤❤❤❤❤❤❤❤

            "  untitled "
Ni  Bb. Apple Marie Plazo

Sa isang munting pag-asa
Buong puso kitang inaalala
Ikaw ang pinapangarap makasama sa tuwina
Ikaw ang pangarap ko't pag-asa sinta.

Sa isang munting mundo
Ibig kong mapangiti ang tulad mo
Ikaw ang pinapangarap pasayahin nang todo
Ikaw ang pangarap ko magkaisa tayo dito sa mundo.

Sa isang simpleng pangarap
Ika'y kasama sa aking bawat pagsulyap
Ikaw ang hiling ng pusong nagsisikap
Ikaw ang nag-iisang katambal sa pagsisikap.

❤❤❤❤❤❤❤

       "Pakinggan Niyo Rin Kami"
       Ni Bb. Apple Marie Plazo

Sana'y kasindali ng mga sinasabi niyo ang magiging takbo ng buhay ko
Sana'y marinig niyo rin ang hinaing ng puso ko bago ko marinig ang inyo
Sana'y mapakinggan ang mga sinasabi niyo nang kayo rin ang matuto
Sana'y makilatis ang mga sinasabi parang pagkilatis sa mga salita niyo.

Sana'y buksan ang puso para sa tulad ko
Sana'y wag pangunahan pinapahilom ko pang puso.
May boses kami hindi lang para sa inyo
May boses ako para sa sarili ko.

Sana'y nasaksihan niyo ang pinagdaanan ko
Nang kayo'y hindi basta-bastang makapagsabi nang kung anu-ano
Sana'y may narinig  upang mas maunawaan ang sinasabi ng puso ko
Ayaw ko na ang pinapangunahan ako.

Hawak ko ang pait
Hawak ko ang pusong di na natapos ang pasakit
Hawak ko ang tinik at sa buhay ko'y pumipilipit
Hindi ako makahinga sa sobrang sikip.

Sana'y ang mga sinasabi niyo ang magpapagising sa inyo
Huwag niyong pabigatin lalo ang loob ko
Huwag niyong higpitan ang masikip kong puso
Huwag hayaang makalimot ako sa paghinga bago
Malamang hindi ako napakinggan bago lumisan ng totoo.

❤❤❤❤❤❤❤

            "Sa Aking Pananahimik"
          Ni Bb. Apple Marie Plazo

Nakikinig ako...hindi ako bingi sa kung ano ang totoo
Pero wala na akong masabi sa piling ninyo
Punung-puno ng salita ang isip at puso
Subalit mas pinipili ko na lamang tumahimik dito.

Sa aking pananahimik ...
Normal sa akin ang pag-iisip na manahimik
Ayaw ko nang magsalita dahil katahimikan na lang ang humahalik
Kayraming pwedeng sabihin pero mas pipiliin ko na lang manahimik.

Sa aking pananahimik ...
Kayraming salita ang idinadaan sa tula't bawas na ang natititik
Masakit man na mas magaan pa ang lapis sa taong sa pakikinig ay di sabik
Mabuti na lang may daan pa rin ang mga salitang naitago dahil sa pananahimik.

❤❤❤❤❤

            'Kung Nangyari Na:
       ni Bb. Apple Marie Plazo

Di ko alam ang damdamin mo
Di mo alam ang nadama ko
Di ko alam ang tinitibok ng puso mo
Di ko nasabi lahat habang ika'y nasa piling ko.

Kaya heto mananahimik ang sagot sa'yo
Wala na akong mga salitang mapapasayo
Kung nangyari man ang ngayo'y ikinalungkot ko
Nagtaka ka man katoto
Kung nangyari na tanggapin mo

Natuto ka naman sana sa huli katoto
Kung nangyari na tanggapin ang sa iyo'y naiwan pa
Di na mawawala ang sugat mo sinta
Iyan ang sabi nila
Pero malayo man ang iyong tingin upang sugat ay pahilumin
Wala na Nangyari na...Muling bumangon Sinta!


           Kahit Saglit
   Ni Bb. Apple Marie Plazo

Maraming mga bagay bagay na di mapigilang kahit panandalian ay inaasam
Mga bagay  na kahit panandalian ay iba ang galak na alam
Mga Oras na tunay na kaysarap sa pakiramdam
Mga panahong hiram ngunit gamot ng ating mga pagdaramdam.
Saglit lang ngunit sapat na sa pagpaparamdam.

Mga hiram na oras kasama ang mahal
Mga saglit na yakap mula sa musikerong higit pa sa musika magmahal
Mga oras kasama ang pamilya kahit sa saglit na pagtatagal
Mga payong mula sa guro na di na magtatagal
Mga saglit na oras kasama ang dating sarili habang ito pa'y malayang nagmamahal.

Di man panghabambuhay may SAGLIT na sa atin ay magpapahiram
Di man natin hawak ang oras ng kaligayahan at
Kahit saglit ang puso ko'y handa kong ipahiram sa iyong kandungan
Wala nang makakapantay sa mga Saglit ngunit masasarap na alaala na pangmatagalan.

"Ama"
Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Sa paligid na si ina ang nasisilayan,
May isa pang todo kayod para may mailapag sa hapag-kainan,
May amang walang tigil sa kakatrabaho kahit pa'y magdamagan,
Di na mawawala ang tulad nilang bayani ng ating munting tanghalan.


Di makasama sa panahong may ibig pasyalan,
Wala sa mga lakad dahil sa rehas ng trabaho na kinakapitan,
Walang magawa dahil oras ay kulang upang lakad ay ipagsiksikan,
Handog na pagsasama-sama ay nagiging kawalan.

Walang reklamo sa kakayuko'y di alintana ni Ama'y
Nakukuba na sa kakahanapbuhay di umaangal sa hirap ng buhay,
Walang ayaw makamit sila na lamang umano ang mapilay
Huwag lang maiwanang naghihirap ang pamilya bago kumitil ang buhay.

Walang amang ayaw masilayan na nasa maayos na kalagayan ang pamilya
Kaya nilang gawin ang lahat para sa magandang buhay at pagsasama-sama
Ngunit...Nasaan na ang mga amang tulad talaga nila?
Sana'y dumami na at wala nang mababawas pa .

Tuwing Umuulan
Ni Bb. Apple Marie Plazo

Habang umuulan.
Nakikita ko ang nakaraan,
Naaalala ko minsan,
Sumasabay ang aking luha sa ulan,
Tumutulo ang luha sa aking isinusulat na liham.

Liham nga ba? O lihim ang aking itinatalang nararamdaman.
Habang umuulan kayraming lihim na damdamin ang umulan,
Kayraming liham na nabuo ng aking nakaraan,
May luhang tumulo bigla at huli na nang itong mamalayan.
Iba talaga ang damdaming mula sa nakaraan.

Naaalala ko pa ayaw na ayaw ko kapag umuulan,
Kayraming mga lakad ang maaring maipagpaliban,
Kayraming maaaring mangyari't baka mauna kang
       umuwi upang baha ay maiwasan,
Nagmamadaling umuwi mailigtas lamang ang naiwan.
Ngunit sa iyong paglisan may isa pa palang naiiwan.

Naaalala ko rin ginusto kong umulan,
Pero yaon ay sa pansamantalang pagkakataon,
Isang pagkakataon na babawiin rin pala ng panahon
Na kasimbilis ng pagtulo ng ulan noon,
Kasimbilis ng paghawak niya sa payong ko noon
At pagsama sa panahong ako'y nag-iisa sa ulan.

Tulad ng ulan...siya'y pansamantala lamang
Hindi mo alam kung kailan siya magsisimula't titigil o
Kung kailan siya lilisan.

Hindi mo alam kung ang ulan ay magiging kasimbilis ng luha
Ko sa pagtulo o magiging dahilan ng aking ngiti na
Magpapaalala sa'yo sa'kin ng ating munting nakaraan.

  "Ang Saya!"
Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Ang Saya ...
Ang saya-sayang alam mong masaya siya
Alam mong nasa mabuti siyang kalagayan kahit di mo siya kasama
Alam mong kayrami na niyang natututunan kahit wala ka sa tabi niya
Alam mong nag-aaral siyang mabuhay mag-isa
Alam mong kaya na niyang mabuhay ng nag-iisa.

Naaalala ko pa noong mga panahong kailangan niya ng sandalan
Kailangan niya'y kamay na kakarga sa pusong di na maintindihan
Kailangan niya'y tengang makikinig sa problemang ibig solusyunan
Kailangan niya'y yakap ng mga payo na itutugon sa mga pinagdadaanan
Kailangan niya lagi ay kaagapay sa bawat tatahaking daan.

Ang saya ko lang na ngayo'y nakikita kang ang saya...
Ibang-iba ka na sa dating puro sandal sa iba
Ibang-iba ka na ngunit hindi ka nagbago sa'kin tulad ng iba
Ibang-iba ang naiibahagi mo ngayon sa'king enerhiya...
At ito ay ang SAYA.

'Bahid Ko Be'
Ni: Sensei


Isang gabi ako'y may napagtanto
Wala na talagang dapat asahan sa isang tao...
Isang taong hindi ko alam kung bakit nandito pa sa puso
Dinadalaw pa ako sa mga panaginip ko.
Ewan ko kung bakit kilig ay parang totoo

Higit apat na taon ko na siyang kilala
Hindi ko man nasabi tunay na nadarama
Ewan ko kung naramdaman niya noon pa
Pero wala na akong inaasahan pa
Tanggap ko naman na wala nang patutunguhan pa.

Hindi naman ako napagod
Sadyang natuto lang ako na wag na magpalunod
Wag na ipilit kung tadhana rin lang ang masusunod
Alam ko na talagang wala nang sisimulang
Hindi na rin naman din nasimulan.
Wala nang patutunguhan.

Wala man tayong larawang magkatabi
Ikaw pa rin ay nakatatak sa puso ko be
Salamat pa rin dahil ikaw ang busangot
Na di ko malilimutan.


'Matalinong Paghanga'
Ni: Sensei Plazo

Sa biglang lingon ...
May pusong bumangon
Nabigla sa damdaming itinuon
Nabighani sa taglay na kakisigan ng taong naroon
Tayo nga naman ngayon
Panlabas na anyo'y malaking hamon
Makakita ng marikit ...
Makakita ng Adonis...
Di na makabangon
Sa pagkatumba sa paghangang hamon
Isipa'y sa taong yaon na'y nakabaon.

Puro panlabas na anyo'y hinahangaan
Hiling pa'y mga pagkukulang ay mahigitan
Paano na ang pusong may kinalaman?
Nasaan ang matalinong labanan?
Gumising nawa sa katotohanan.
Sa Buhay 'di puro ganda ang labanan
Matuto kang kumilatis upang di mapag-iwanan.
Matutong gumalang at kumilala nang lubusan
Matutong tumimbang nang lubusan
Nang sa huli'y di gaanong masaktan.

Ito'y payong pangkaibigan...
Maging totoo ka lang...Panalo ka na kaibigan.



T.O.T.G.A.
ni Sensei Plazo

Tama lang ang panahong pinagsamahan
Tama nga namang tadhana'y pinaglayo tayo kaibigan
Walang bahid ng pangamba ang naiwan
Malaman lamang na masaya ang kinalabasan
Ng mapaglarong paghihiwalay ng landas na napagbigyan.

Landas ay nabuwag para sa kabutihan
Nasunod tamang daan malayo sa kapighatian
Masayang namuhay mag-isa kasama ang tunay na luntian
Masayang nakikipaglaro sa buhay kahit maulan
Patuloy na bumabangon pusong nagbigayan.

T-ama lang na naranasan
O-o tunay na ang lahat ay may dahilan
T-ayo ay may nararapat na taong kailangang ipaglaban
G-agawin lahat para sa pag-ibig kahit masaktan
A-t ibibigay kahilingang para sa tunay na nagmamahalan.

Susundin ang dapat kahit pa ika'y maiwan
Tatayo pa rin kahit pa ika'y masasaktan.


"Tawa"
Ni : Sensei Plazo

Bakit sa pagkakataong malungkot tahimik
May nag-iingay at humahagikgik
Napakalakas at nakakabinging ingay humahalik
Parang nasa playlist ng isipan tuwing ako'y humihibik
Pinapaalalang dapat ako'y humagikgik
Imbes na hayaang luha'y maghasik.

Tawa mo'y paulit-ulit di nagbabago sa'kin pa rin humahalik
Ayaw akong hayaang manatili sa malungkot na sulok
Ayaw akong pasukuin sa mga pagsubok
Yung tipong tawa mo lang puso'y napatibok
Tawa mo pa lang sa isipan ako'y sinusubok
Salamat sa iniwang tawa kahit puso'y sa iba tumitibok.


"Pahinga"

Hinahanap-hanap sa tuwina,
Pinakaaasam-asam ng puso't diwa,
Ibig ng puso'y kahit sandali'y matuwa,
Ibig ng isipa'y makalimot pansamantala,
Subalit kayhirap kamtin parang babala sa'kin,
Na kapag pahinga'y kung sunod aatupagin,
Buhay ko'y lulukot kayhirap tuwirin,
Tiyak tambak agad mga gawain,
Buhay ay gugusot dahil sa trabahong nakalambitin.

Bakit ang pahinga'y tila mahirap abutin?
Bakit naipagkakait natin mismo sa'tin?
May oras namang dapat nakalaan sa atin
Dahil alam nating may tamang oras sa gawain.
May mga oras na buhay ay dapat aliwin
Hindi puro problema't gawain ang sa'tin umaalipin
Ibig lang naman huminga bakit pahirapan pa?
Hawak natin ang sarili huwag hayaang magpaalipin
Sa trabahong maaaring sa huli'y dumurog sa'tin.

                    -Sensei Plazo-



"Sugat"

Dati takot si nanay na lumabas tayo ng bahay
Baka may di magandang mangyari habang walang gabay
Delikado baka may mangyari't madamay
Baka...baka...baka...makitang nakahandusay
Baka umuwi na may sugat o kaya'y nakasaklay.

Takot sa sugat dahil kinagisnang matakot
Di alintanang sa paglaki'y nang masugatan ka't
Naramdaman ang sakit ay nabago ang ikot
Nakaramdam ng sakit mula sa sugat
Nakaramdam ng kalayaan lalong namulat.

Ang dating takot sa sugat ngayo'y
Kayang-kaya nang tumayo't magkasugat
Kahit pa sumabay ang sinat.

        -Sensei Plazo-


"Kita Kita"

Noong sandaling nakatalikod ako
Akala mo di ko alam ang totoo.
Noong nakasandal ako sa sulok
Akala mo di ko alam ang paborito mong sulok.
Noong kinakalabit mo kaklase mo
Akala mo nakatingin ako sa malayo.
Noong nagbibilang ka sa orasan mo
Akala mo di ko alam ang kaba mo.
Noong nag-uunat-unat ka kamo
Akala mo di ko alam na kapos ka na sa sagot.
Noong nakatulala ka at nilapitan kita
Akala mo di ko alam na may problema ka.
Noong akala mong wala akong pakialam
Ipinagdarasal na kita.

Noong panahong napagalitan kita
Akala mo ako'y walang pruweba
Tumingin ka sa itaas...Kitang-kita ka NIYA
Sa mga panahong kita...kita.
Kitang-kita kita.

(Para po ito sa mga Mag-aaral)

        -Sensei Plazo-



Noon at Ngayon

May mga di na mapipigil na mga pagbabago
Mga di inaasahang kaganapan na tiyak sa iyo'y babago
Pagbabago sa klima, nadarama at pag-ikot ng mundo
Nawa'y sa mga pagbabago handa tayong matuto.

May mga inaasahan...may mga pagbabagong biglaan
Hindi na maihahalintulad ang noon sa ngayon
Dahil ang dating noon ay ramdam na ang paglisan
Ngayo'y ating hinaharap ang bagong laban.

Ang bagong laban
Ay ang ating Ngayon...
Mas kailangan ang ibayong pag-iingat kaysa noon
Hindi na ligtas ang paligid di tulad noon
At mas malinis ang isipan ng mga tao noon.

Ang daming pagbabago
Kulang ang isang libro upang maisa-isa ito
Ngunit sa ating pagyakap sa pagbabago
Mas nababatid natin na kailangang Magkaisa tayo...
Mahal kong kapwa Pilipino.

-Sensei Plazo-


       Regine

Sa mundong iniikutan ng napakaraming tao
Hindi madaling makahagilap ng taong totoo
Yaong taong walang arte at simpleng katoto
Na nakangiti man sa malayo
Kitang-kita na sa kanya ang masayahing pagkatao.

Lalo mo siyang kilalanin kung hiwaga ng kanyang ngiti
Ibig mong sa'yo ay maibaling
May mararamdamang pag-asa sa tinatamasang pighati
Ilalayo ka niya sa negatibong mundo
Dadalhin ka niya sa kanyang masayahing mundo.

Walang katulad ...
Kung kilala mo siya ikaw ay mapalad
Kukulayan niya ang mundo mong tahimik
Papalayain niya ang iyong lungkot na sa'yo ay humahalik.

      - Sensei Plazo-


Instagram: @missplazo_24
Youtube: Sensei Plazo
Twitter: @plazoapplemarie







Comments

Popular posts from this blog

Mga Aral Mula sa Aking Mga Karanasan

When I'm Sad... by Apple Marie Plazo (Sensei Plazo)

Simpleng Paalala sa Panahon ng Tag-ulan