CEBU 2016 ❤
Isang Linggo sa Cebu ❤
Ang Cebu ang isa sa mga lugar na laging binabanggit sa'kin ng aking mga magulang at mga tiyahin. Sa Cebu kasi nagmula ang karamihan sa aking angkan at maging ang aking ina ay isinilang sa napakamahiwagang lugar na ito. Mahiwaga sapagkat bukod sa isa ito sa pinakatanyag na lugar ng himala ay napakayaman pa nito sa iba't ibang yamang lupa at tubig na siyang pinapahalagahan naman ng mga Cebuano. Cebuano ang tawag sa aming mga mga taga-Cebu.Cebuano ako sa dugo kahit laking Davao ako at nakapag-aral sa Maynila ng kolehiyo. Masarap sa pandinig ang "Cebuano" kilala rin ito na tawag o pagkalambing-lambing na mga tao na taga-Cebu. Sila ang mga taong sasalubong sa iyo na nakangiti habang inaanyayahan ka na libutin ang patuloy na umuunlad na lugar na ito dito sa Visayas.
Nito lamang ika-28 ng Agosto (hanggang ika-4 ng Setyembre 2016) ay nabigyan ako ng pagkakataong mabisita ang Cebu sa unang pagkakataon. Sa sobrang subsob ko sa pag-aaral at pagtatrabaho ay natutuwa ako at nabigyan ko naman ng oras ang aking sariling maglakbay kasama ang aking ina. Ngayong taon mas nakasama ko naman ang aking ina nang mapagpasyahan kong magpahinga sa pagtatrabaho.Babawi ako sa susunod na taon at muling magtatrabaho kaya sinusulit ko na.
Napakalaking bahagi ng buhay ng aking ina ang kanyang naibahagi sa akin ng makarating ako sa Cebu.Magkahalong tuwa , saya , lungkot at pagkamangha ang aking nasagap mula sa kasaysayan ng aming pamilya/angkan mula sa aking mga tita at tito.Nakilala ang mga mahahalagang tao na naging bahagi ng buhay ng kabataan ng aking ina bago pa man siya pumunta sa Davao (Sa Davao kami lumaki ng aking mga kapatid ngunit taga Surigao ang aking ama pero tumira kami sa Davao).
Napakaraming mga banal na lugar sa Cebu ang binibisita at dinadayo talaga ng mga turista.
Ang ilan sa napasyalan naming banal na lugar ay ang
"Simala" Miraculous Mama Mary
Isa itong napakagandang lugar para magmuni-muni at humingi ng tawad at pagpapasalamat mula sa Panginoon.Isa itong napakagandang lugar ng pagbibigay at pagbabahagi ng mga panalangin, pangako at pag-ibig.Isang matibay na paniniwala ang siyang naging pundasyon upang ang banal na lugar na ito ay maipatayo at maging isang mala palasyong lugar.
Sto. Nino Church Cebu
Isang banal na lugar na kailanman ay hindi napabayaan kahit ilang unos o bagyo ang humagupit dito. Patuloy na naging matatag ang simbahang ito kasama ang mga Cebuano.
Philippine Taoist Temple Inc.
Isa sa talagang binibisitang templo dito sa Cebu ay ang napakagandang Taoist Temple na talagang inaalagaan dahil kahit na napakatagal na nito ay talaga namang naipreserba ang ganda nito kahit ilang taon at ilang tao na ang nakapasyal at nakapagsamba rito.
❤❤❤
Napakarami ko pang hindi napuntahan sa Cebu...kulang talaga ang isang linggo...
Pero sinulit ko pa rin at ninamnam ang kabataan ni mama sa mga lugar sa ibaba
Binisita rin namin ang ilan sa mga lugar na pinupuntahan noon ng aking inay tulad ng
Seaside CEBU
Napakalawak daw noon ng Seaside Cebu. Ngayon ay kilala na ito dahil sa malapit na SM Seaside Cebu na mapapasyalan ng mga Cebuanos at mga turista.Magandang Seaside ang bubungad sa'yo sa labas ng SM Cebu.
Talisay, Cebu
Dati umanong pinupuntahan ni mama ang bahaging ito ng Cebu dahil may mga panahon na nagkakayayaan ang magbabarkada. Masarap sa pakiramdam ang maalala ang nakalipas kasama ang mga tao at lugar na nakasama.
Basak Mambaling,Cebu
Ang aking ina ang kumuha ng mga larawang iyan sa itaas...hindi man maganda ang itsura ng lugar na ito ngayon ay napakaganda naman ang mga alaalang naiwan nito sa kanyang kabataan...diyan sila nagtatakbuhan ng kanyang mga kababata. Diyan si mama namulat sa sarap ng buhay ng isang batang malayang nakikipaglaro sa labas at nilalaro ang mga larong pangkalye na halos di na maranasan ng mga batang puro kompyuter games na lamang ang inaatupag ngayon.
❤❤❤
Dumako naman tayo sa usaping Pagkain na tatak Cebu
"Lechon Cebu"
Sino ba naman ang hindi nahuhumaling sa lechon/litson ...na talagang hinahanap-hanap kapag may okasyon. Iba talaga ang Cebu's Lechon.
"Tinolang Bangus/ Seafoods"
Mayaman sa yamang dagat ang Cebu. Kaya presko ang kakainin mong isda at iba pang putaheng may sangkap na seafoods.
"Chicken Inasal at Puso rice"
Isa sa tatak Cebu ay ang kanilang malasang timpla ng Inasal o Chicken Inasal na nuot talaga sa laman ang lasa . Samahan pa ito ng kanin na tinatawag na "Puso" na binalot pa talaga upang mas lalo pang sumarap ang kanin sa loob nito.
"Puto"
Isa sa kinaiinlaban ko bukod sa suman ay ang ibang klaseng puto na ito na sadyang sakto ang tamis-alat na lasa. Napakasarap nito lalo na kapag may mainit na tasa ng tsokolate.
"Saging Maruya o Maruyang Saging"
Bahagi na ng aking kabataan ang "Maruya" dahil kahit sa Davao ay ito ang pambansang meryenda. Di namin pinalampas ang di makatikim nito sa Cebu dahil mas malaki ang serving nito kumpara sa Maynila. Napakasarap at nakakabusog talaga.
Napakaraming alaala ang talagang mababalikan kapag napuntahan mo ang isang lugar na noon ay naikukuwento lamang sa'yo o kaya'y nababasa lamang sa aklat o nakikita sa ilang larawan.Iba talaga ang pakiramdam kapag alam mong isang araw ay narating mo rin ang lugar kung saan karamihan sa iyong angkan ay nagmula sa natatanging lugar ...tulad ng Cebu.
-Sensei Plazo-
Apple Marie Plazo
Instagram: @missplazo_24
@missapplemarieplazo
Twitter @plazoapplemarie
Comments
Post a Comment