LOVE-NAT / Sa Aking Tabi/ Alam Mo ni Sensei Plazo

                         






                                       LOVE-nat
                                         (Lagnat)
                               Katha ni Bb. Apple Marie
                                            Plazo

Kung ang pagtaas ng temperatura ng katawan
Ang magdidikta ng aking kalagayan
Naging mas mataas ito kaysa sa pangkaraniwan,
Paanong ang normal kong mundo ay iyong nabago
Ako'y nalunod sa iyong dalang pag-asa at mga pangako.

Isang karamdaman ang naiwan noong ako'y nilimot mo
Hindi lang simpleng lagnat na inaakala ninyo.
Nangangahulugang labis ang sakit na iniwan at hindi madali ang pinagdaanan sa piling mo
Kinimkim ang pait ng pagkabigo...pilit itinatago.
Subalit ang sakit ay di pa rin pulidong maitagu-tago bunga ng mga alaalang ipinabaon mo.

Ang inakala kong pangkaraniwang lagnat ay biglang lumamon sa'kin
Ito'y marahil dahil sa tamlay at mahinang pangangatawan,
Mga matang tila wala nang luhang mailuha ang masisilayan.
Tanging ako lamang ang nakakaalam ng tunay kong kalagayan.
Malalaman mo kung ako'y iyong dadamayan.

Ibig ko sanang malaman mo pero huwag na lamang dahil ngayon ay hindi ka na kawalan.

Apektado talaga ang isipan at pangangatawan kapag puso ay nasasaktan.
Ikaw ang makakapagsabi kung ikaw ay may lagnat o LOVE-nat na depende sa damdaming pilit na pinagtatakpan.

Bumangon ka! Isiping may gamot, pahinga at kaibigang kasangga.
Isiping hindi lahat ng karamdaman ay dilim ang maibubunga.
Isiping parang magandang dahilan ang karanasang natamasa upang patunayan
Na ang lagnat ay sinyales na kailangan mo pang lumaban.
Mas mahalin ang sarili at puso'y pakaingatan
Yan ang pinakamabisang gamot ng kasaysayan
Nang sa muling pagbukas ng puso,
Handa ka na kaibigan.

❤❤❤❤❤❤❤

       " Nang Makita Ka "
     Katha ni Sensei Plazo

Di mapakali...
Puso ko'y di mapigil sa kakatili.
Ayaw na bumalik sa dati...
Puso ko'y nabalot na ng ngiti.

Kaysarap sa paningin ang masilayan ang iyong pagngiti.
Di ko mawari lahat ng pighati
Di ko alam puso ko'y kahit sa harap mo'y nagkunwari...
Mababasa saking mga mata ang tunay na mawawari...
Nang makita ka kakaibang tuwa ay nahabi.

Nang makita ka
Buhay ko'y nag-iba
Biglaan ang mga kinang sa aking mga mata
Ipinagdarasal kong ikaw na sana
Nang ang puso ay bumangon sa pagkadapa.

Nang makita ka handa akong kilatisin ka
Nawa'y tunay ang ipinapakita mo Sinta...
Nawa ako sayo'y may karapatang umasa
Dahil kaya mong tanggapin ang tunay kong pagsinta.

❤❤❤❤❤❤❤❤

                     " Musika "
    Katha ni Bb.Apple Marie Plazo

Bukod sa Diyos ama...
Bukod sa aking kaibiga't pamilya...
May naging kasangga ako sa drama.
May naging daluyan ang aking mga nadarama.
Sinabayan ako sa mga trauma.
Dinamayan ako sa kabila ng pagsasaya't pagdadrama.

Muling binuksan ang nakaraan ko
Umusad ang mga luhang pinigil  nang may ipatugtog ako.
Sinabayan ng awitin ang mga luhang tumulo
Isinama ang masasakit na alaala na muling pumitik sa puso.
Kinalinga ako ng bawat liriko
Ang mga indayog at mensahe'y nagkaisa't idinuyan ako.

Musika...iba't ibang kanta Oh! Playlist ng buhay ko
Ang naging sandalan ko
Iba't ibang awiting swak sa aking pusong lito
Muling bumuhay sa aking gunita upang matuto.
Nang dahil sa musika ako'y nagamot na katoto.

❤❤❤❤❤❤❤❤

              " Larawan "
    ni Bb. Apple Marie Plazo

Ako ngayo'y may tangan-tangan.
Hawak ko ang masasayang nakaraan
Hinahablot ko pa ang madidilim na karanasan
Hawak ko ang pinaghalong kayamanan.
Babaunin ko ang lahat ng ito sa aking paglisan.

Ako'y pansamantalang lilisan kasama ang ating larawan.
Sa dami nito kulang pa lahat para sa ating karanasan
Kulang ang mga oras para ako'y may patunayan
Na ang mga larawang ito ay hindi man magpakailanman
Ay mananatiling buhay hanggang sa lupa'y lumisan.

Ang aking tangan-tangan ay larawang nagdaan
Subalit ito'y mananatiling sariwa magpakailanman.
Alaala ng bawat larawa'y maaaring kayamanan
Alaala ng mga larawa'y di nang-iiwan.
Sasamahan ako sa aking patutunguhan.





❤❤❤❤❤

"Musika Mo"

Salamat sa Musika mo.
Ako ngayo'y may matibay na puso...
Ako ngayo'y di na tuliro...
Ako ngayo'y di na madaling mapaso...

Ako ngayon ay nakikiisa pa sa pag-awit mo.









❤❤❤
Instagram: @missplazo_24
 and @missplazoapplemarie
Twitter: @plazoapplemarie



❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤

                                           ' Sa Iyong Tabi '
                                      Katha ni Sensei Plazo

Sa araw-araw na ika'y aking nasisilayan
Ibang klaseng ngiti ng puso ang tanging sa'yo lamang nakalaan
Kakaibang damdamin aking nararamdaman
Ako'y biglang kinabahan,
Kumapit na ata ang puso sa'yo...
Iyon na yata ang nararamdaman.

Isang umaga ika'y aking muling nakita
Nakayuko may malalim na iniisip...tahimik mag-isa
Dalangin ko'y nawa ako'y nasa iyong tabi sinta
Sana'y dinggin ng Diyos ang awitin ng puso kong umaasa
Nawa'y lumingon at madama mo rin ang aking pagsinta.

Nang ika'y biglang lumingon tila umusbong ay ligaya
O' Sinta!
Pagsamahin nawa tayo ng tadhana
Haharapin natin kahit anong drama
Haharapin natin mga kwento ng kasawian nang
Malaman mong ako'y mananatili sa iyong tabi
Handang isantabi ang malungkot na nakaraan.

Lumingon ka lang ako'y patuloy na mag-aabang .

❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤


                               ' Alam Mo '
                          ni A.Marie Plazo

Alam ko, May mga bagay na sadyang kay hirap itago
Maaring ito'y ating damdaming matagal nang isinilid sa puso
O mga ibig ipadamang init ng pagmamahal subalit pilit na idinadaan sa biro
Hinihiling sa mga tala na sana'y alam mo ang alam ko.

Alam mo bang kay hirap kalabanin itong puso
Bitbit ko'y mga katagang sana'y ALAM MO.
May mga humahadlang upang ang mga salita ko'y mapasayo
Ako'y may mga ibig sambitin sa iyo subalit di kaya ihatid ng puso
Matagal ko na rin itong pasanin at ako'y hindi nagbibiro.

Alam mo
Ibig kong maging totoo sa'yo
Sabihin ang pagsinta...kung sana'y madaling idaan kasama ng luhang walang preno
Walang humpay sa pagtulo
Ibig kong itanong sa mahal ko kung Mahal niya rin ako.

Alam ko ... Alam mo na ikaw ang tinutukoy ko.

Kaysarap itanong sa'yo ang matagal nang sigaw ng puso
Mahal kaya ako ng mahal ko?
Hahayaan mo ba akong magtanong sa'yo
Kung alam mong may ganito.

Sanay maramdaman mo
Alamin Mo kung ano ang alam ng aking puso
Nang sa gayun ay malaman mo...
O' Irog.


❤❤❤❤❤❤❤❤❤

                          "May Dahilan"
                   Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Kung ipinagtataka mo minsan ang pagdating ng pighating mapait
Huwag na huwag kang manatili sa pagtatanong kung bakit.
Alamin mo ang mga kasagutan kung bakit...BAKIT?
Nang sa tulong ng pag-unawa at pagpapahalaga'y  matuklasan ang halaga ng tinik
Marahil para rin sa ating ikabubuti ang mga sinapit.

Batay sa ating mga karanasan...
Ibig kong ipaunawa sa'yo na ang lahat ay may dahilan...
Ang Diyos ay nariyan upang ibigay ang mga dapat nating matutunan.
Ibibigay niya ang mga taong ating kailangan.
May panghabambuhay...mayroon ding panandalian.


Sa tulong ng mga bagong karanasang kailangang kayanin ninuman.
Oo...May dahilan kung bakit ang lahat ng ito ay kailangang pagdaanan.

May dahilan ang lahat...
Makikilala mo ang natatanging tao na sa'yo ay magpapamulat
Sa mundong akala mo noon ay walang alat.
Malalaman mo sa taong yaon na ang ngiti ay hindi madaling sumisikat
Maiintindihan mong may mga panahong kay dilim...kay lungkot...
Ngunit may nakatagong ulat.
Isang ulat na magtuturo ng mga di malilimutang kuwento tulad ng mga binabasa mong aklat.

May dahilan ang kanyang pagdating
Gayun din ang kanyang biglaang paggising.
Nagising na siya sa katotohanang hindi siya para sa atin.
Ipinahiram lang pala upang may matutunan at pagbabago'y sapitin.
Wala mang paliwanag ang kanyang biglaang paglisan
Humanda ka't siya'y magiging kaagapay sa susunod na pakikipagsapalaran.

Ngayon wag ka nang magtaka kung may mga taong lumilisan.
Ang lahat ay may dahilan...

❤❤❤❤❤❤

              "Isang Libro"
Katha ni Bb. Apple Marie Plazo



Isang umaga, ika'y aking nakita
Di magkakilala ngunit ang kulit ng tadhana
Ika'y kinilala. Ako'y iyong nakilala.
Hanggang ang damdamin ay idinaan sa isang tula
Nasulatan, naguhitan, nakulayan ang diwa
Na ngayo'y aking ginugunita.

Ang blangkong papel na inilaan
Ay hindi inaakalang sa'yo pala talaga nakalaan
Ito'y dinagdagan ko at umabot ng isang buo
Oo...isang buong papel katoto...
At di inakalang aabot ito ng labintatlo.
Labintatlong pirasong inialay sa piling mo.
Tinanggap kita ng buong-buo.

Ang dating blangkong papel
Ngayon ay isa ng libro.
May kopya ka at may kopya ako.
Nanalangin ka pang sasamahan mo ako
Hanggang sa kabilang ibayo.
At ang ating libro na ang bahalang magkwento
Sa Mundo.

❤❤❤❤❤❤❤❤

          "Iyakin"
Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Kung may kinang man ang aking mga mata
Hindi ibig sabihing ako'y palaging masaya.
Kung inaakala mong buhay ko'y kayganda
Alam mo bang hindi rin ako tinatantanan ng problema.
May mga panahong luha ang karamay sa pakikibaka.


Alam mo bang pinipili kong patibayin ang loob ko
Nang makita mo na ako'y matatag para sa'yo
Naging malalim ang pasyensiya ko.
Tiniis idaan sa pag-unawa lahat ng nabaling pangako.
Sa gabi...ang katapangan nang di na kinaya'y biglang
      naglaho.

Idinaan sa iyak...napawi ang mukhang may galak.
Iyakin...iyakin!...heto na naman ang sariling hibik
Pinapaalala ang sekreto kong kahindik-hindik
Para bang sa dibdib ay may isang milyong tinik.
Walang preno ang luhang para bang di natatrapik.

Aaminin ko mababaw ang luha ko
Dahil sa malalim na pinaghuhugutan nito.
Mababaw lang din ang kaligayahan ko
Ang kaligayahan ko'y malampasan ang pagiging iyakin ko
At ang mahalin ng totoo...


❤❤❤❤❤❤❤

                                "Sulyap"
             Katha ni Bb.Apple Marie Plazo

Ako'y napalingon sa dako paroon.
Ako'y may natanaw na liwanag doon.
Nang may biglang lumingon.
Nagkabanggaan ang mga mata natin doon.

Ako'y tila nakikipagtalamitam sa mga mata mo.
Pakiramdam ko'y biglang nagbago.
Naku! Heto na naman puso ko'y biglaang nagbiro.
Biglang nanahimik sa napakaingay kong mundo.
Natatameme ako sa ingay ng ating puso.
Naku! Puso ko'y tila di na natuto.

Lumapit ka at may dalang kakaiba
Sa isang sulyap mo puso ko'y napaso bigla.

Nagkaisa ang puso at isip ay may napagtanto.
Nagbabadya ang mga sulyap mong
Ako'y makipag-usap sa'yo
Ibinalik ko ang sulyap sa isang tulad mo
Sabay kuminang ang ating mga matang naghugis-puso.

Sulyap ang pumukaw sa aking pusong sanay mag-isa
Na kailangan ko rin pala ang tulad mo Sinta.

❤❤❤❤❤❤❤

                    "Walang Katulad"
          Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Simula't simula pa'y nandiyan ka na.
Di ako iniwan mula noong kamumulat pa
   lamang ng mga mata,
Habang kandong ni ina pagmamahal mo'y
   ramdam ko na.

Di man ikaw ang unang nasilayan
Alam kong buhay ko'y mula sa'yo Kamahalan
Salamat sa biyayang buhay upang ang
   iyong biyaya'y maramdaman...
Haplos at yakap ng aking mga magulang heto't
   aking tangan-tangan
Kamay nila'y hinahawakan hanggang ngayong
   sila'y may iniindang karamdaman.

Utang ko sa'yo ang lahat
Ikaw ang nagpaunawa sa aming lahat
Na ang buhay ay hindi dapat sa kasinungalingan
    inilalapat
At sa katotohanan lamang marapat mamulat.

Delikado man ang mundong sumasambulat
Wala kang katulad sa pag-aalaga sa amin na
    di karapat-dapat
Alam kong ako'y nagkukulang ...alam kong di naging sapat.

Sadyang wala kang katulad
At dapat pasalamatang buong-palad
Simula't Simula pa'y tulay KA na upang ako'y maging mapalad
Tagagabay ko upang mga pangarap ay tuluyang matupad.
Pagmamahal Mo Diyos Ama ay walang katulad.


❤❤❤❤❤❤❤❤

              "Pamilya"
Katha ni Bb. Apple Marie Plazo


Mayroon akong nakatagong lakas
Na hindi kailanman mauubos at magwawakas.
Mayroon akong nakatagong alahas
Na hindi ipagpapalit sa dolyares at dahas.
Mayroon akong nakatagong itak na matalas
Na hindi kailanman gagamitin sa mga ahas.

Ngunit ang mga nabanggit ay hindi makakalagpas.
Kailangan ko'y purong lakas
Kailangan ko'y tunay na alahas
Kailangan ko'y itak na ubod ng talas.

Kulang ang pag-aaring aking namamalas (nakikita)
Kulang ang aking tibay na ipinamalas (ipinapakita)
Kung walang pamilyang gabay sa bawat tatahaking landas.

Mayroon ako kung ano ang mayroon ang lahat...
Mayroon tayong pamilya na sa balikat ay buhat-buhat.
Tangan ang kayamanang hatid hanggang tayo'y mamulat.
Ipinapadama ang tapang at mundong di sapat
Upang magising ang puso na sila ang nakatagong lakas at
Tatahakin ang lahat upang umahon sa buhay na salat.

Sila ang nakatagong lakas
Sila ang nakatagong alahas
Sila ang aking itak na ubod ng talas
Sila ang aking swerte kaya't sa'kin di uso ang malas.
Sila ang sa ati'y kung magmahal ay wagas
Mapurol man dahil sa paghihirap ay nananatiling matulis
Para sa ikabubuti ng ating tatahaking landas.

❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤❤

                "Malaya Ka Na"
  Katha ni Apple Marie Plazo


Ilang taon ding pinasan ang mabigat na nakaraan
Panahon na upang mga alaala'y pakawalan.
Pagpapatawad at paniniwala ang daan
Mga sakit na idinulot ay burado na kaibigan
Heto ang puso'y gumaan.
   
Ilang buwan ang lumipas napagtanto ko
Ang mga nangyayari sa aking ito
Ay may dahilang magpapatibay ng puso ko.
Hindi ko kailangan ang tulad mo
Dahil mas kailangan ka ng kasama mo.

Ngayon iyong katoto ay lubusang natuto.
Kaya ko na ring sambitin na Malaya na ako!
Malaya na ako sa mapait na alaalang hatid mo.
Malaya ka na sa hawla ng buhay ko.
Handa akong ikandado at limutin ang tulad mo.

Ilang araw ang lumipas kayrami pang napagtanto
Wala talagang makakatalo sa pagpapatawad ko
Pagpapatawad talaga ang kailangang ibalik ko
Hindi lang upang mapalaya ako
Kundi mapalaya rin ang bigat ng poot ko sa'yo.

Papatawarin na lang kita katoto
Kakalimutan ko na ang lahat tungkol sa'yo
MALAYA KA NA!...Malaya na rin ako.


❤❤❤❤❤❤❤❤

           "Hindi Lahat"
Katha ni Apple Marie Plazo

Kung inaakala mong ikaw ay kulang
Tanggapin mong walang taong
"Nasa Kanya Na Ang Lahat"

Hindi lahat ay maaaring angkinin mo
Hindi lahat nararapat manatili sa buhay mo
Hindi lahat mananatiling tapat sa harap mo
Hindi lahat gugustuhing sa buhay mo'y bubuo.

Maaaring angkinin mo pero hindi lahat maaangkin mo
Maaaring may mananatili kung karapat-dapat sa buhay mo
Maaaring tapat siya ngayon sa harap mo pero
Sa huli, ipinapahiram lang pala siya sa'yo.

Kailangan mong matuto munang mahalin ang sarili mo
Bago mo sabihing kulang ako Katoto...
Tanggapin mong may kakulangan ka dahil tayo'y tao
Tanggapin mong Hindi Lahat para sa'yo...
Dahil ang iilang mayroon ka ang bubuo sa buhay mo.

Di mo inakalang ang kakulangan...
Di mo inakalang ang sa buhay mo'y kulang
Ay nasa iyo na pala... Matagal ka nang hinihintay
Dahil matagal mo nang iniisip na ika'y kulang.

❤❤❤❤❤❤❤❤

          'Marso'
Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Marso...isa sa pinaka inaabangang buwan sa kalendaryo.
Bukambibig ng mga estudyanteng magtatapos umano.
Bukambibig ng mga taong sabik nang magbawas ng sakit ulo.
Bukambibig ng mga batang ibig nang bumiyahe't sa dagat maligo.
Bukambibig ko subalit parang nakakalungkot dahil may mga magbabago.

Marso na mga katoto...
Ang mga pagbabago'y nandiyan na iha't iho.
Paparating na ang mga hinihiling mo.
Pero naaalalang may mawawala na naman sa'yo.
Magbabago na naman ang takbo ng buhay mo.

May masasaya't malulungkot na maiiwan...
May mga taong mananatili at sadyang lilisan.
May luhang bigla na lamang dadaloy nang lubusan.
May mga alaalang babaunin at mananatili sa'yo kaibigan.
Marso...Oh! Dahan-dahanin mo may aayusin lang ako.
Ihahanda ko rin ang puso ko.



❤❤❤❤❤

                      " Ina "
  Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Kay aga pa'y dilat na ang kanyang mga mata.
Walang pagod sa pagpapaalala,
Walang mintis sa pag-aalaga,
Walang kamatayan ang pag-ibig mula sa kanya.
Wala nang maikukumpara sa bisig niya't kalinga.

Minsa'y may sakit
Minsa'y may dala-dalang pait...
Minsa'y napupuno natin ng mga pasakit
Minsa'y napapagod sa ating magalit.
Ngunit katapangan ay ipinapakitang pilit.

Anak, di ka niya kayang mapahamak
Di niya kayang sa maling daan ikaw ay tumahak.
Tungkulin niyang maging huwaran ng galak.
Dahil baka dayain ng tadhana at gumaya ang anak
Kaya ipinapakita'y katapangan imbes makitang umiiyak.

Kaysarap damhin pag-ibig ng ina sa anak
Pag-ibig na di mapuputol ng kahit anong tabak
Di mabibili ng ginto't pilak.
Di mapapantayan ng kayamanan Inang sa ating puso'y nakatatak.
Pag-ibig niya'y walang bahid ng kadilima't alak.
Di kailanman matatapos kahit pa sa kanyang huling paghalakhak.

❤❤❤❤❤❤

        " Huwag Nang Ipilit "
Katha ni Bb. Apple Marie Plazo

Napakaraming paraan ngunit idinadaan sa limutan.
Napakaraming dahilan para lamang kalimutan.
Napakaraming oras na pinagsamahan
Nawala lahat nang magpasyang itigil ang laban.

Napakahirap kung ang dati ay ibig ibalik
Huwag nang ipilit kanyang iniwang mga titik
Huwag nang asahang siya'y bumalik.
Huwag nang ipilit ang naglahong pananabik
Ang nararapat gawin ay mamuhay na lang ng tahimik.

Kung isang araw magtanong siya kung bakit ka tahimik
Wag mo na siyang sabihan ng kahit anong hibik
Tutal tulad mo kailangan na rin niyang manahimik
Wala nang mahabang usapan para tahimik
Tulad ng iniwan ka niyang walang imik.

Huwag Nang ipilit
Wala na ring masasambit
Wala na ring patutunguhan kung magagalit
Wala na dahil tanggap ko na ang iyong pagpapalit.
Wala ka na ring bahagi sa puso dahil ika'y sadyang malupit.


❤❤❤❤❤❤❤

        "Di Lahat Nasasabi"
Katha ni Bb.Apple Marie Plazo

Sa bawat mapapait na karanasan
May mga kuwentong sa likod nito'y umuulan
May mga luhang nakatago at di maaninag ninuman
Maging ng mga magulang at kaibigan na sandalan.
May mga hindi nasasabi dahil may dahilan.

May mga panahong kahit sino di ka maintindihan
May mga taong ayaw mo na ring idamay sa mga pinagdadaanan.
Sabihin man nilang lagi silang nandiyan
Wala pa ring makakatalo sa sarling pusong laging sandalan.
May mga gumugulo sa isipan na tanging sarili lang ang kanlungan.

Di naman natin ibig na maging malihim
Sadyang pinipili lamang natin ang alam nating dapat ilihim.
Di naman lahat nasasabi dahil kailangang iwasan ang dilim
Di lahat nasasabi dahil baka buhay ng kapwa'y dumilim.
Tanggapin mong sa buhay kailangang umintindi ng malalim.

❤❤❤❤❤

           "Kinakatakutan"
Katha ni Bb.Apple Marie Plazo

Ako'y dumating sa buhay mo para ika'y samahan
Ikinuwento mo ang madilim mong nakaraan
Naisalaysay ang pagpanaw ng inang kamahalan
Ginising ang pusong takot pa dahil sa karanasan
Naibahagi na may Ospital na di na madaanan
Dulot ng mapait na kawalan.

Isang araw natuwa akong takot mo'y nalampasan
Kaya mo na palang doon ay dumaan
At sinabi sakin ngayon lamang ulit napadaan.
Buti naman kata'y sinamahan.
Nabanggit mong kaypait ng nakaraan
Pero ang mabuti'y harapin ang kinakatakutan.

Sadyang may mga bagay na di na maaring balikan
May mga buhay na sadyang di na masisilayan
May mga karanasang mananatili na lang sa kasaysayan
May mga pangarap na di inaasahang di na maabutan
May mga pagdadaanang hindi alam kong pasasaan.
Pero ang lahat ng ito ang magiging daan upang harapin.
Harapin mo ang iyong mga kinakatakutan
Nang masagot ang iyong mga katanungan.



























Comments

Popular posts from this blog

Mga Aral Mula sa Aking Mga Karanasan

When I'm Sad... by Apple Marie Plazo (Sensei Plazo)

Simpleng Paalala sa Panahon ng Tag-ulan